Sunday, August 17, 2008

sana

para kong tanga na nakamasid sa monitor ng kompyuter ko kanina. nais kong gumawa ng akda para sa aking blog pero hindi ko alam kung paano magsisimula. sa halip na para sa blog, isang liham para sa aking kabiyak ang nagawa ko. isinulat ko doon ang nilalaman ng puso ko. umaasa na maiibsan ang nararamdaman kong sama ng loob.

kahit paano ay naibsan naman ang sama ng loob. magkagayunman, hindi pa rin naiibsan ang pananakit ng balakang na naidulot ng tensyon na naramdaman ko kanina. ganoon pala kapag napuno ka ng galit habang buntis. maaapektuhan pati ang pisikal na nararamdaman. parang nagalit ata ang sanggol sa tiyan ko dahil hindi ko man lang isinaalang-alang ang payapa niyang pagtulog sa sinapupunan ko at nagsisigaw na lang ako. hayan at tila pinarurusahan ako sa sakit na nararamdaman ko sa aking balakang. sakit na parang may disminoreya. nakakatawa, ang sakit na yun ay nararamdaman ng isang nireregla. eh buntis nga ako.

ang totoo hindi ko alam kung dapat ako matawa. ang batid ko lang, ayaw ko na umiyak. ayaw ko na makaramdam ng anumang negatibo. kasi tila mas nasasaktan ako kapag hinahayaan ko ang anumang negatibong damdamin. ang nais ko lang ay magkaroon ng kapayapaan sa puso ko.

hinahangad ko na pagkatapos ng lahat ng mga nangyari at napagdesisyunan ko maayos na ang mga bagay na dapat maayos. napapagal na ang puso ko sa mga hindi magandang pinagdaanan nito. wala na akong nais na mangyari kung hindi ang katahimikan ng kalooban ko. gusto kong maging malaya sa anumang bagay na hindi makabubuti sa akin at sa pagbubuntis ko.

sana, makamit ko na ang hinahangad ko. sana...

No comments: