Wednesday, September 17, 2008

yakap

Hindi ko malimutan ang pag-uusap namin ng anak kong si Boris kanina. Sabi nya habang naglalaro ng computer, "mommy, pahinging tubig." Sinagot ko sya ng "anak ang lapit ng ref kumuha ka mag-isa." Nakakagulat ang sagot nya. "Di ba patay na si baby?" Sinagot ko naman ng, "oo bakit?" Sabay sabi nya ng, "eh bakit ayaw mo pang tumayo dyan?"

Hindi ko alam kung matutuwa o magagalit ako sa usapang iyon. Nakakatuwang isiping sa murang edad ng anak ko ay naunawaan nya na hindi ako halos maaaring tumayo mula sa kama sa panahong naka-bed rest ako noon. Yun ang mga panahong nanganib mawala ang aking ipinagbubuntis na sinubukan naming iligtas. Magkagayunman, nasaktan ako nang marinig kong sabihin nya ang salitang "patay na si baby." Parang ipinamukha nya sa akin ang katotohanang pilit kong kinakalimutan.

Naisip ko, hindi ko pa lubos na natatanggap ang katotohanan. Hindi ko pa kayang marinig mula sa bibig ng ibang tao na wala na ang sanggol na dinala ko sa sinapupunan ko. Panganay ko ang nagsalita noon, pero tila labis pa rin ang sakit. Bagama't alam kong ibinigay ko na sa Panginoon ang aming munting anghel, naramdaman kong hindi pa naghihilom ang sugat na nilikha ng pagkawala nya. Nagdurugo pa rin ito.

Alam ko, anuman ang gawin ko o saanman ako makarating, hindi ko malilimutan ang mga nagyari. Ang totoo, wala naman akong nais kalimutan. Gusto ko ang alaalang iniwan ng aming bunso kahit sa maikling panahong dinala ko sya. Siya ang muling naglapit sa akin sa Panginoon. Siya rin ang higit na nagpatibay ng pagsasama at pagmamahalan naming mag-asawa. Kaya lang, ang nililimot ko ay ang mapait na katotohanang hindi ko na sya makikita. Na hindi ko sya mayayakap kailanman...


ang sarap sana kung bukod kay Boris ay may isang
anghel pang yumayakap sa akin tulad nito

No comments: