Tuesday, October 14, 2008

pangarap na lang ba?

isang buwan na ang nakalipas mula nang pinlano ko ang isang selebrasyon para sa amin ni Barry. ninais ko sanang tumungo kami sa labas ng lungsod para ipagdiwang ang aming ikalimang taong anibersaryo bilang mag-asawa.

noong Sabado, Oktubre 11 ang pinakahihintay kong petsa. hindi ko alam kung nagkataon lang, pero wala na namang natuloy na espesyal na selebrasyon. sa loob ng nakalipas na mga taon, laging ganoon ang senaryo. kahit anong pagpaplano ang gawin ko, nagkakaroon ng dahilan upang di yun matuloy.


after a movie date, our usual stuff...


sa pagkakataong ito, hindi yun natuloy dahil nagkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan ilang araw bago ang aming anibersaryo. bagama’t nagkaayos kami nung Biyernes, hindi yun naging sapat upang umalis pa kami at magpalipas ng isang gabi malayo sa siyudad.

sa halip, isang simpleng pagdiriwang ang naganap. kumain kami sa labas. nagyakapan at naghalikan ng maraming ulit. at saka nagpalitan ng “I love you.” nagkasya na kami sa ganoon, na kung iisipin mo’y tila simpleng kabaduyan para sa ilan.

sa totoo, hindi ako kuntento sa nangyari. ganunman, naging masaya na rin ako. kasi kahit paano, naramdaman kong masaya ang kabiyak ko. hindi lamang naging kumpleto ang lahat dahil naisip ko, isang taon na naman ang hihintayin ko upang muling umasang darating ang pagkakataong maipagdiriwang namin ang aming anibersaryo sa espesyal na pamamaraan.

isang taon na naman, ngunit wala pa ring kasiguruhan kung aabutin namin o hanggang pangarap na lamang…

No comments: