Hindi ko alam kung bakit, pero unti-unting nababalot ng galit at sama ng loob ang puso ko. Tila napakaraming bagay ang gumugulo sa isip ko.
Kanina, muntik na naman akong manakit dahil sa nararamdaman ko. Ewan ko kung saan nagsimula to, pero kapag nakakaramdam ako ng matinding galit, gusto kong manakit. Dati, sa kagustuhan kong iwasan na saktan ang iba, sinasaktan ko ang sarili ko. Dumating sa punto na napagtanto kong mali na saktan ko ang sarili ko.
Hindi ko na nga sinaktan ang sarili ko. Naiwasan kong gawin o isipin man lang na saktan ang sarili ko o ang iba kapag nagagalit ako. Kaya lang, heto at bumabalik na naman ang kagustuhan kong ilabas ang galit ko sa pamamagitan ng pananakit. Ang kaibahan, hindi ang sarili ko kundi ang iba ang gusto kong saktan.
Sa pisikal na paraan ko madalas gustong manakit. Yun ang una kong gustong gawin. Pero, maging ang damdamin ng iba ay gusto ko ring saktan. Madalas, kung sino ang nanakit sa akin, siya rin ang gusto kong saktan pabalik. Minsan nga, mas ninais kong umalis sa pinapasukan kong opisina kaysa manatili doon dahil iniwasan ko ang kagustuhan kong saktan ang isang kaopisina. Ayaw kong isipin man lang, pero makailang ulit ko nang sinampal at sinuntok ang asawa ko sa isip ko. Maraming beses ko na siyang sinaktan sa pisikal na paraan sa imahinasyon ko.
Maging sa mga bagay na gusto kong gawin sa isip ko, nasaktan ko na rin si Barry. Ilang beses ko nang binalak na lumabas kasama ng mga kaibigan at makipaglasingan hanggang umaga. Ilang beses ko na rin binalak na lumayas at magtago para hindi na ako makita ng kabiyak ko. Siguro, kung wala kaming anak na laging nagpapatino ng isip ko, baka nagawa ko na ang lahat ng bagay na yun. Siguro, baka ni hindi na kami nagsasama sa iisang bubong bilang mag-asawa. Malamang, sa papel na lang kami mag-asawa.
Si Boris at ang aming munting anghel na si Beatrice na lamang ang laging nagpapaalala sa akin kung ano ang tama. Sila ang tanging nagpapaalala sa akin na hindi ako dapat nagdedesisyon o kumikilos ayon sa nararamdaman ko lang. Kailangan timbangin ko ang bawat bagay at laging piliin ang tama. Unang nalagay sa panganib ang pagbubuntis ko kay Beatrice nang dahil sa matinding galit, kaya hindi ko na dapat hayaan na manaig ang emosyon na yun sa anumang pagkakataon.
Sana, hindi ko na muling makita ang sarili ko na pinangingibabawan ng galit. Sana, hindi ko na gustuhin pang manakit kapag nagagalit ako. Sana, hindi ko na rin isipin na gumanti sa kahit anong paraan sa kapwa ko kung magawa man nila akong saktan. Sana, lagi pa rin manguna sa puso ko ang pagmamahal ko sa mga anghel ng buhay ko para maiwasan ko ang negatibong emosyon na sumisira sa katinuan ko. Sana, patawarin ako ng mga taong pauli-ulit kong sinaktan sa puso’t isip ko, at ng Maykapal dahil ni hindi ko dapat iniisip man lang ang mga bagay na yun…
No comments:
Post a Comment