Wednesday, December 3, 2008

luha

Kanina pumatak ang luha sa aking mga mata nang hindi ko namamalayan, habang tahimik na nakatanaw sa kawalan. Sa makailang pagkakataon, muling bumalik sa aking gunita ang hitsura ng aking sanggol. Ang aking si Beatrice Enna, na hindi ko man lang nahagkan.

Akala ko nalampasan ko na ang pinakamabigat na pagsubok ng aking buhay. Sa kabila ng lahat ng pagsusumikap kong mamuhay ng normal, dumarating pa rin ang pagkakataong binabalot ako ng matinding kalungkutan. Anuman ang aking gawin, tila tinatarakan pa rin ako ng punyal sa tuwing nakikita ko sa aking alaala ang araw na iniluwal ko siya. Pakiramdam ko, namamatay pa rin ako.

Hinahanap-hanap ko siya sa sinapupunan ko. HInahanap ko yung pakiramdam na dinadala ko siya at hinihintay ang paglabas nya. Puno pa rin ng panghihinayang sa puso ko na napapalapit na ang araw sana na isisilang ko siya. Kung narito pa siya, dapat ay namimili na ako ng mga kagamitan para sa nalalapit na pagdating nya.

Nakapaghihinanakit ang kapalaran. May mga taong hindi ginugusto ang magkaroon ng anak pero nagkakaroon ng napakarami. May mga taong naghihikahos sa buhay pero mayaman sa anak. Sa kabilang dako, may mga tulad kong nangangarap ng isa o dalawang anak lamang pero namamatayan pa. Batid kong hindi sinasadya ng Panginoong pasakitan ang mga tulad ko. Alam kong may dahilan ang lahat ng naganap at nagaganap. Ganunman, hindi ko pa rin maiwasan ang masaktan.

Naniniwala pa rin ako na mabibigyan pa ako ng pagkakataon maging isang ina sa ikalawang pagkakataon. Umaasa pa rin akong darating ang kapatid ni Boris sa tamang panahon. Ibibigay pa rin sya ng Maykapal sa amin.

Nais kong magmadali. Nais kong hilahin ang panahon upang dumating na ang aming bagong anghel. Subalit, batid kong mas makabubuti ang maging mahinahon at magpasensya.

Sana, dumating na sya. Sana, dumating na rin ang panahon na hindi na ko luluha dahil sa kalungkutang bunga ng pagkawala ni Bea, kundi dahil sa kaligayahan. Sana...

No comments: